Huminga ng malalim. Buntong hininga. Ito lang ang madalas nyang gawin kapag sya ay naiirita. Wala syang magawa. Hindi nya magwang magreklamo. Kahit minsan natatapakan na ang kanyang pagkatao. Basta ang madalas nyang iniisip, "kailangan kong gawin ang dapat at tama". Pero ano nga ba ang dapat? Ano nga ba ang "mali" at "tama"? Sa isip ng iba, isa syang matuwid, mabait, may magandang asal at ugali. Pero bakit kung sino pa ang mga taong malapit sya pang hindi makakita at makaramdam ng ugali. May pagkukulang ba? o sobra- sobra na? inggit ba sila?
Huminga ng malalim. Buntong hininga. Pinapakalma nya ang sarili. Pilit na iniipon ang galit sa dibdib. Sa kanyang diwa, sinisilid nya ito sa isang bolang kristal. Lahat ng galit sa mundo ay doon nya iipunin at kapag punong puno na ito, saka na lang ito mababasag, sasabog. Pero hindi ang klaseng pagsabog na maingay, yung tahimik pa rin. Yung tipong sya lang ang makakarinig ng malakas na pagsabog. Tapos, saka kakawala ang lahat ng galit, sakit, poot! lahat ng pagtitimping ginawa nya kapag naiinis at nanginginig na sya sa galit. Kakawala ang lahat na ito para gumaan ulit ang pakiramdam nya. Sa pamamagitan ng tubig na magmumula sa kanyang mga mata, doon uusbong ang panibagong puting bolang kristal para sa panibagong hinanakit na mararamdaman nya sa hinaharap. Sya kasi ang tipo na tao na laging pinaghahandaan ang panghinaharap kaya naglaan sya ng ganitong klaseng bagay- isang klase ng kalasag para maprotektahan ang vulnerable nyang puso.
Huminga ng malalim. Buntong hininga. Kung anu-ano na lang ang iniisip nya. Nililibang ang sarili para mawala at tuluyang palayain ang hinanakit sa sarili. Sinisisi ang sarili kung bakit hindi marunong tumanggi. Kung bakit dapat sya na lang lagi ang dapat magbigay? bakit sya na lang ang dapat laging umintindi at umunawa? Kung maglaban naman sya para ipangtanggol ang sarili, sya naman ang lalabas na masama. Sya pa itong nagmamalaki. Sya ang mayabang. Sya ang bastos. Sya ang walang respeto. Kaya para hindi sya maging ganito sa paningin ng mga tao, tatahimik na lang sya at gagawin kung ano ang dapat at tama. "ito nga ba ang dapat at tama?"
Huminga ng malalim. Buntong hininga. "ito nga ba ang tama? tama ba 'tong ginagawa ko sa sarili ko? bakit ko ba iniisip ang para sa iba gayung ang iba ay hindi naman ako iniisip? Hindi ko magawa ang pansarili kong gusto gayung ang iba ay walang pakialam sa iba basta gagawin nila ang gusto nila.Bawal akong magreklamo dahil malaking gulo na ang malilikha ko. Samantalang sila, malaya nilang pinapahayag ang mhga reklamo nila na walang pakialam kung magkakaroon ng malaking gulo. Nasosobrahan ba ako sa pagiisip sa kung anong mangyayari sa hinaharap kaya nalilimitahan ang paggawa ko sa kasalukuyan? o sadyang ginagawa ko lang ang kung anong dapat at tama para maging maayos ang lahat, mapasa-kasalukuyan man o pang hinaharap? Hindi ba't kapag maayos ang ginagawa mo sa kasalukyan ay hindi malalayong ganun din sa hinaharap? Gusto kong maging maayos ang lahat sa hinaharap pero hindi lang para sa sarili ko kung hindi para din sa kanila. Pero ganun din ba sila kagaya ng sa akin?"
Huminga ng malalim. Buntong hininga. Wala na syang ginawa kundi magbuntong hininga. Pilit na sinisilid ang namumuong inis at galit sa bolang kristal na naninirahan sa kanyang dibdib. "Hindi pa...wag muna...hindi pa... wag muna... ayoko munang palitan ka" paulit ulit nyang sinasambit sa kanyang diwa.